Buhay Winnipeg
September 14 nagsimula akong magtrabaho dito, mabilis akong natanggap sa work dahil siguro madami ang kailangan nilang trabahador at saka kelangan daw nila ang cute na kagaya ko wehehehe! (baka maniwala kayo, di totoo yun... konti lang hehehe). Sa Convergys ang naging unang trabaho ko, isang call center dito. Sa isang Satellite cable TV provider ako napapunta sa Bell Express Vu. Kelangan ko pa ring mag undergo ng training ng isang buwan bago sumabak ng totoong work. Hindi ako tumagal duon kse unang una malayo sa bahay namin at medyo nakakahiya din kay kuya Junior (bayaw ko) dahil sya pa ang naghahatid sa kin sa work dahil wala pa kong sariling sasakyan at pangalawa, mahirap din dahil di ko naman porte talaga ang ganitong uri ng work, kahit na sa telepono ka lamang makikipag usap pero mahirap pa din lalo na at di ka naman pamilyar sa ginagawa mo.
Madali akong nakakita ng bagong trabaho dito, nagustuhan ko pa ang naging trabaho ko dito dahil nasa linya ko ang work ko, nasa photo editing ako gamit ang paborito kong graphic editor software ang Adobe Photoshop. trabaho ko din dito ang data entry. Ang company na napasukan ko ay ang Lifetouch Canada, Inc., sila ang may hawak ng mga class pictures, ID pictures at graduation pictures ng madaming school dito sa Canada at US. Matutuwa ka sa company na ito kse halos 70% ng mga empleyado ay pulos pinoy kaya parang di ka rin umalis ng Pilipinas, pag nagb-break nga para kang nasa canteen ng isang kumpanya dyan sa atin dahil lahat ng table pulos pinoy. Dito din nagwo-work si Winnie at nasa data entry sya, yun nga lang di kami magkasabay ng oras, ako simula ng 7:30AM hanggang 3:45 PM at si Winnie naman ay 3:45PM hanggang 12 midnight. Sinusundo ko na lamang si Winnie sa trabaho pagkatapos nya dito, kaya konti na din lang ang naiitulog ko at kinabukasan maaga pa din akong gigising at ako naman ang papasok sa trabaho. Di kami pwedeng magsabay kse walang maiiwan sa bahay para magbantay sa mga bata, di gaya sa Pinas na pwede kang kumuha ng kasambahay para mag alaga sa mga bata habang wala ang magulang, dito pag kumuha ka ng kasambahay parang buong sweldo mo mapupunta lang sa kanila.
Minsan sa trabaho sa sobrang pagod ko naaalala ko tuloy ang dating trabaho kong naiwan sa Pilipinas, pag napagod pwedeng magpahinga at makinig muna ng music o kaya mag txt sa mga kabarkada, o kaya makipag chat sa mga kakilala, dito para makapahinga ng konti at mawala ang antok punta lang saglit sa washroom (sa tin CR, comfort room, restroom at kung anu-ano pang room) para mag-inat at saka bawal sa trabaho ang gumamit ng celfone (call or text) at kung gagamit ka ng mp3 player, kelangan isang tenga ko lang ang may pasak na earfone para marinig mo kung may sinasabi ang katabi mo o ang supervisor.... susme ako pa naman di mabuhay ng walang music na naririnig.
Katatapos lang ngayon ng autumn o fall dito, ang gandang panuorin ng mga dahon na nalalaglag sa mga puno dahil sa hangin at lalong maganda ang mga kulay ng mga dahon, na pulos kulay dilaw at brown na tanda na malapit ng malaglag sa pagkakakapit sa mga sanga ng puno. makalat nga lamang pero ang gandang tingnan lalo na at nililipad ng hangin na parang nagsasayaw at naglalaro. Medyo malamig na rin ang klima pagdating ng fall, naglalaro sa 15 hanggang 18 at kung minsan bumababa pa sa 11 at kung talagang malamig nasa 8 hanggang 10 degrees ang temperature. Mas lalo pang lalamig kung sasamahan pa ng hangin, na nagpapatuyo pa ng balat mo. ang mahirap pa ay kung mahina ang resistensya mo sa lamig, malamang magkakasipon ka at didiretso na ng ubo, buti na lang sipon pa lang ang dumadapo sa kin.
Ngayon din lang ako naka experience ng Trick or Treat dito, sobra ang pagkahumaling talaga ng mga taga western sa ganitong uri ng pagdiriwang, kung sa atin ay sa tradisyong Undas o Todos Los Santos at Araw ng mga Patay na karaniwang nagpupunta tayo sa puntod ng mga yumao nating mga mahal sa buhay at sa gabi naman ay ginagawa natin kadalasan ay magkakaroon ng pangangaluluwa na parang caroling pag pasko dito kina-career talaga ang halloween, wala kang makikitang bata dito na walang costume, may iba't-ibang klaseng kasuotan ang makikita mo sa labas, may nakakatakot at may nakakatuwa pati nga ang matatanda lalo na ang ibang magulang ng mga batang nagti-treat or trick ay naka costume din, KJ lang ang mga tao ditong nakatunganga lamang sa bahay at nagkukulong at patay ang ilaw para walang kumatok sa mga pintuan nila para manghingi ng candy's. Ginagastusan din ng mga taga rito ang pagdekorasyon sa kani-kanilang bahay para magmukhang nakakatakot at yun din ang sign na pag may dekorasyon ang bahay pwede kang kumatok sa kanilang pinto. Sina Macy at Mady first time nag trick or treat kasama ang pinsan nilang si Justin pero di na kami nagpunta sa mga bahay dito at sa mall na lamang dahil medyo malamig na rin sa labas, at least nakaranas na rin sila kahit papano.. Siguro next year sa mga mayayamang lugar dito sa Winnipeg kami magti-trick or treat para mas maganda ang maibigay. :)Ngayon nagsisimula nang pumatak ang snow dito, siempre excited ako ngayon lang ako makakakita ng tunay na snow, dati nakakakita lang ako ng snow sa tv, sa pictures at sa loob ng freezer ng pridyider namin pero ngayon nahahawakan ko na. Kung walang hangin at pumapatak ang snow, di pala ganun kalamig pero oras na nasamahan ng hangin nakaw wag ka na mag-isip na maggala sa labas at mas masarap pang mamaluktot at matulog na lamang. Naglalaro na sa double digit ang temperature ngayon dito, sa kasalukuyan ay minus (-) 21 degrees celcius at may kasamang wind chill na minus (-) 33 degrees kaya grabe ang lamig, sabi ng mga matagal na dito, di pa daw to ang pinakamalamig dito, maghintay daw ako ng mga january at siguradong buhay freezer na talaga, e ngayon pa nga lang parang nasa loob ng napakalaking freezer na ako e ano pa kaya yun? Kaya nga daw tinawag itong Winterpeg e :) Isip ko nga parang ang sarap magnegosyo ngayon dito, balak kong magtayo ng halo-halo restaurant ngayon, isipin mo ang bibilhin mo lang naman ay mga sangkap ng halo-halo tapos lagay mo lang sa isang baso labas ka lang ng bahay at sandok ka lang sa snow lagyan mo ng gatas sa ibabaw at meron ka ng halo-halo, lagyan mo ng ice cream sa ibabaw at espesyal na :) di ga?
Malapit na naman ang pasko at ibang pasko ngayon ang mararanasan ko pati ng pamilya ko dito sa Canada. Di na kagaya dati na pag tungtong ng Setyembre, ako yata ang kauna-unahang nagpapatugtog sa office namin ng mga pamaskong kanta sa pc ko, simula na ng pamimili ng mga pangregalo para sa mga inaanak, simula na rin ng pagiging busy ko sa pagtuturo sa aking choir (ang Coro Guimo) ng mga kantang pang advent at pamasko para sa simbahan, simula na ng tanggapan ng mga bonuses sa opisina.. pero ngayon iba na, malayong kaibahan dito sa Canada, kung hindi ka pa magpapatugtog ng cd na pamasko sa kotse mo di mo mapi-feel na malapit na ang pasko, hindi big deal dito ang pasko, napapag usapan pero ordinaryong araw na lang yata ang napakahalagang araw na ito dito, walang bonus dito sa opisina, para makatanggap ka ng mataas-taas na sweldo, sipagan mo ang pag-o-overtime kaso malaking bahagi ng OT mo mapupunta pa rin sa tax at kung minsan kung may lates at absences ka sa trabaho yung OT mo mapupunta dun sa kulang na oras para makumpleto ang 40 hours na kelangan sa loob ng isang linggo, pero ako OT pa rin lagi ng sabado para pangdagdag na rin sa gastusin pero pag Linggo kelangan ko muna magpahinga para pagdating ng Lunes medyo recharged na ulit. Pag nagsisimba kami, kuntento na lang akong makisabay sa kanta ng choir na dati ako ang nagli-lead ng pagkanta sa misa, kaya nakaka miss talaga. Tinatanong nga ako ng kapatid ko dito kung bakit daw ayaw ko sumali sa choir dito sagot ko na lamang medyo pagod na yata ako.. pero ang totoo baka mamiss ko lang lalo ang choir ko sa tin at hanapin ko sa choir dito ang dati ko ng nakasanayang choir.
Bukas simula na naman ng panibagong araw, trabaho na naman, simula na ulit ng maghapong nakatitig sa monitor ng computer at pagsakit ng likod, aantok-antok at iniiwasang wag mapapikit at baka makita ng supervisor at mapauwi ng maaga :) Kaya kelangan ko na ring tapusin itong blog ko para makapagpahinga na rin at gigising pa ako ng maaga at makikipagbuno pa ako sa lamig at snow pagpasok, magpapala pa nga pala ako ng snow malamang... Bye at hanggang sa muli!